Tag Archives: Maikling Kwento ukol sa Ama

MONUMENTO


Buwan ng Wikang Pambasa ngayon, taun-taon nagsusulat ako ng artikulo ukol dito, pero dahil sa sobrang nalilibang at natutuyo ang utak ko sa trabaho medyo nadalang ako sa pag-bablog. Sa ngayon, hayaan nyo munang ibahagi ko sa inyo ang isa sa pinakamahabang maikling kuwentong nalimbang ng malawak at napakalayo kong pag-iisip. haha.

Natatawa nga ako kasi luklukan pala ng Kakornihan’tong ginawa ko!!

Pero masaya din, at masarap balikan na dumaan pala ako sa mga ganitong uri paglimbag ng kwento. :)

Ang konri men!!

Sana bago matapos ang buwan na ito magawa ko din yung binabalak ko kaugnay sa pagdiriwang sa buwan ng agosto.

***

MONUMENTO

ni Otep Zablan

Bukang liwayway na, hindi pa rin ako dalawin ng antok. Hindi naman ako in-love at hindi na man ganoon kalaki ang problema ko. Siguro nga may sakit na ako –insomnia.

Hindi ko na matandaan pa, kung kailan ako nakatulog nang mas maaga pa sa alas-dos ng madaling araw, madalas nakatutulog ako ng mga bandang alas-tres hanggang alas-kwatro. Kapag hindi pa ako nakatutulog sa oras na alas-singko, sinasadya ko na talagang hindi matulog, dahil kung matutulog pa ako ng alanganing oras, malamang hindi na naman ako makakapasok sa eskwela dahil mahirap akong gisingin (tulog mantika kasi ako). Kung hindi pa ako hahatawin ng walis tambo ni nanay, hindi pa ako babangon. Sakaling bumangon naman ako dahil sa palong natamo, asahan mo na maya-maya tulog na naman ako.

Sa gabi, kapag hindi ako makatulog marami akong mga nagagawa, tulad ng pag-iisip, nag-iisip, mag-iisip uli hanggang makatulog. Ganoon ako ka-busy tuwing gabi.

Sa mga ganitong sitwasyon, una kong naiisip si Tatay, wala na kasi s’ya. Pumanaw isang lingo bago ako magtapos sa elemetarya at sa high school naman ang kuya.

Nakakalungkot ‘no?

Pero mas nakakalungkot kung malalaman mo kung ano ang kinamatay n’ya. Hindi pala s’ya namatay kundi pinatay!. Pinatay ng mga walang-puso naming kapit-bahay na tinuring ni Tatay na kaibigan. Bunga ng kanyang pagiging tapat at paglalahad ng mga bagay na pawang katotohanan lamang.

Isang bala ang kanyang natamo dahil sa pagbubunyag ng kanyang nasaksihan sa krimen na ginawa ng kanyang mga KAIBIGAN?

Nakakapang-hinayang talaga ang kanyang pagkawala. Nagsisisi ako sa mga bagay na hindi ko nagawa sa kanya noong nabubuhaypa s’ya. Tama nga ang sabi nila “walang unang pagsisisi, ito’y laging nasa huli” siguro kung nalalaman ko lang ang mga mangyayari noon, sana tinanggap ko na lang ng maluwag sa loob ang lahat-lahat na sermon at pangaral na binato n’ya sa’kin. Hindi tulad ngayon, wala ngang napapagalitan, wala rin akong Tatay.

Hanggang ngayon, habang naka-dungaw ako sa bintana ng kuwarto ko, paulit-ulit na nagbabalik-tanaw ang mga senaryo.

Sinabi ko sa sarili, na kahit kailan hindi mawawala sa isip ko ang mga aral na iniwan n’ya sa akin –ang pagpapaka-bayani.

Sana, pagdating ng araw tingilain din ako ng mga tao, tulad ng pagtingala ko sa Tatay ko. Pero, takot akong mamatay, takot akong mawala sa mundong ibabaw?

Puwede ba akong maging bayani kahit nabubuhay? Sa bagay, kung ang mga OFWs nga ay itinuturing na ngayon bilang mga bagong bayani.

Pero ayoko naman maging OFW ‘no!? ayokong maging manggagawa sa ibayong dagat. Takot akong mawalay sa pamilya. Kung si Tatay nga noong nawala parang nawala na rin ako sa sarili, papaano pa kaya kung buong pamilya na? siguro mame-mental hospital na’ko.

Speaking pagpapa-kabayani, naalala ko tuloy si Jessica Soho isang batikang mamamahayag ng GMA7 nang minsan s’yang pumunta sa middle east upang mangalap ng impormasyon ukol sa nagaganap na kaguluhan doon, nang biglang may sumabog! –isang bomba.

Biruin mo alang-alang sa napiling propisyon, iaalay ang buhay makapag-bigay lang ng serbisyong totoo.

Naisip ko, maaari ka palang maging bayani depende sa mga bagay na maaring mangyari pati na rin sa mga matang nakatingin sa’yo tulad ng pagtingin ko kay Jessica Soho.

Ngayon, pinagmamamalaki kong ihayag sa inyo na s’ya ang nagtulak sa’kin para kumuha ng kursong Broadcasting. Siguro sa pamamagitan ng propisyong ito baka sakaling maging bayani ako…,

Sa ibang paraan…, sa ibang pilosopiya..

Gusto kong maging komentarista sa radio, sa ganoon maibunyag ko ang dapat ibunyag, ibalita sa mundo kung ano ang totoo tulad ng ginawa ng Tatay ko.

Hindi na ako natatakot mamatay! Sige subukan nila akong patayin at least hindi man sa mata ng ibang tao sa sarili ko man lang masabi kong naging bayani ako.

Sa wakas natapos ko na ang kolehiyo at lulusob na ako sa giyera ng pagpapaka-bayani dala ko ang mga bala mula sa aking pinag-aralan. Handang-handa na ako sa World War III, Giyera na ‘to!

Nakakapanghinayang lang at hindi ako napadpad sa radyo kundi sa dyaryo. Ayos na sana, ang kaso hindi bilang peryodista sa kolum ng komento kundi sa balita na sumasagot sa mga tanong na: ano, kailan, saan, bakit at papaano. Taliwas sa una kong target na pagtuligsa at pagbibigay ng opinyon.

Hindi ako nawalanan ng pag-asa, kinausap ko ang namamahala ng pahayagan at nais ko sanang magpalipat sa pagkokomento. Kaso, nakulitan yata at pinapapili ako balita o walang trabaho. Matapos ang ilang lingo nilapitan ko muli s’ya, inalat ako at natuluyang natanggal sa trabaho.

Huh! Nanindigan ako at lumayas sa una kong naging tahanan.., sinubukan kong mag-apply sa magkabilang imprintahan, ang masama nga lang ni-isa sa kanila hindi man ako inintindi. Akala siguro spy ako..

Nainip ako at nagsimulang maglakad-lakad.

Tiempo namang napadpad ako sa ABS-CBN, wala man sa bukabolaryo ko na mag-aaply doon sayang naman ang resume ko kung itatapon ko lang. Matapos ang ilang araw at interview hindi ko naisip na matatanggap ako, pero ngayon may trabaho na muli ako.. YAhOo!!

Sa Pulis at Krimen ako unang nadistino matapos ang ilang buwan sa special assignment at matapos naman ang ilang lingo sa Malacañang naman ako nadistino. Sobrang excited ako noon, sa katunayan bumili pa ako ng bagong damit na long sleeve at sapatos na balat. Nagkataon kasing kakaupo pa lang na bagong pangulo sa pwesto at para maiba din, pinalitan ang reporter na nakadistino dito at ako nga ang pinalit.

Sa unang araw ko sa trabaho sa Malacañang umarangkada agad ang dila ko. Sa isang press conference with pangulo unang nagtanong ang dati kong katrabaho sa dyaryo.

***

Reporter: Kumusta naman po ang siguridad n’yo ngayong pangulo na kayo?

Presidente: Okay naman ‘no…, nakakapanibago nga lang dahil sobrang dami nila…., hindi tulad noong senador pa ‘ko ‘no…, kulang na nga lang pati sa kwarto naming mag-asawa meroong nakabantay ‘no…

Pressgroup: Ha ha ha!…

Sabay follow-up ako ng question.. in spokining dollar –english syempre para sikat.

Me: How about your sexlife?

Pressgroup: Ha ha ha!..

***

Nagtawanan ang buong sanlibutan sa loob ng conference room ng Malacañang, Pati syempre ang pangulo pero deep in side alam kong napahiya s’ya kaya dinaan na lang sa tawa. Masakit mang aminin pati ako at ang network na pinapasukan ko napahiya.

Blah.., Blah.., Blah.., ang pangral sa’kin ni Boss. Alam ko na ang susunod n’yang sasabihin kaya pinangunahan ko na s’ya, nag-alsabalutan na ‘ko.

Ni-wala sa isip ko na dahil sa katanungang iyon mawawalan ako ng trabaho. Ni-wala rin sa isip ko na dahil sa tanong na’yun magiging popular ang pangalan ko, naging laman ako ng mga balita pati na rin ng lahat ng TV stations.

Malungkot akong umuwi sa bahay, nang biglang nag-ring ang cellphone ko isang tawag mula sa GMA 7 ang natanggap ko. Nabalitaan nila na kusa akong lumayas sa network at inaampon na nila ako.

Kamusta naman ‘yun. !?

Matapos ayusin ang papeles mula sa kabilang istasyon, ngayon.., certified kapuso na ‘ko. Umarangkada ako sa lahat ng news program ng GMA. At ngayon magkakaroon pa ng sariling TV program tungkol sa nga taong nasa ibayong dagat, in-short pupunta ako sa iba’t ibang bansa, parang travel show. Ipapakita ko lang dito ang iba’t ibang lugar sa daigdig na may Pilipino.

Malayo na ang narating ko, pero ang totoong pakay ko hindi ko pa rin marating.

Pagkatapos ng kabanata ko sa unang TVprogram muli akong nabigyan ng malaking break. Sa dokumentaryo naman ang lalandasin ko, natuwa ako sa balitang iyon, tamang-tama s’ya sa personalidad ko ngayon. Makakaimbistiga na ako at maibibigay ko na sa tao kung anong realidad mayroon ang tao.

Hating-taon nang umi-ere ang programa ko nang naibunyag ko sa tao kung anong baho mayroon ang nakaupong pangulo.

Kinasuhan ako ng Libelo at sinabon pa ‘ko! May mga ebidensya man akong magbibigay boses sa katiwaliang ibinulgar ko pero sadyang bato ang binabangga ko. Napaka-tibay at napaka-hirap matibag.

Alam ko na kampi sa’kin ang Network, sila ang nagpiyansa sa’kin. Pero ayaw man nila akong tanggalin sa trabaho pero ito lang ang paraan para matigil ang mga espikulasyon at diskusyon mula sa matataas na tao.

Muli na naman akong naglakbay at napadpad sa larangang wala akong gaanong alam. Lumipat ako sa Network na ‘di-gaanong sikat pero kilala. Sports news ang hinawakan ko, nakapunta rin ako sa iba’t ibang lugar na hindi ko pa napuntahan noong humawak ako ng travel show. Nag-cover ako ng SEA games, Asian games at Olympic na bibihira lang maganap sa loob ng isang dekada.

Sa mga naging experience ko sa harap ng telebisyon, marami akong naging kakilala at na-interview na matataas na tao lokal man o internasyonal.

Narating ko ang tuktok pero may naiwan ako sa ilalim.

Binalikan ko ito sa tulong ng kaibigan. Naupo ako sa mainit na silya, humarap ako sa mikropono at hindi sa kamera. Hindi nila ako nakikita pero naririnig nila ang boses ko na tumutuligsa kasabay ang mga talsik ng laway at namamalat na lalamunan. Namamaos na ’ko pero hindi ako titigil sa kasasalita.

Ang mahalaga sa’kin, nalalaman nila ang katotohanan at malaman nila.., kung sino man sila.., na mali s’ya…!

Hindi mo kailangang mamatay para maging bayani.

Hindi mo kailangang mamatay para malagay sa pera ang ulo mo.

Hindi mo kailangang mamatay para mapatayuan ka ng rebulto.

Pero sadyang nakikilala ang tao pag ito’y yumao.

Ako, gusto kong maging bayani, hindi man sa mata ng tao sa sarili ko man lang.

Sa ganoon makabahagi ako at makatulong. Maging idolo tulad ng mga ini-idolo ko sa ngayon.

Sadyang may hangganan ang lahat at ito na ang aking wakas. Tulad ng sa Tatay ko isang bala rin ang natanggap ko. Tumagos sa puso at dumanak ang dugo mula sa silyang kinauupuan ko. At ang huling salita na namutawi sa labi ko ay……

Malakas na Araaaayyyyy!

Hinataw na naman ako ng walis tambo ni Nanay at gaya ng dati late na naman ako.

GRrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrr……..

++Wakas++